Ikaw, Siya at ang Patlang na Walang Guhit

“Psst!”

Nakita ka niyang naglalakad mag-isa sa isang kapehan kung saan tumatambay ang mga pasosyal sa may Araneta Center, Cubao. Gulat siya pero hindi ka sigurado kung naaaninag mo pa rin ang ningning sa mga mata niya. Hindi rin siya sigurado kung ano ang sasabihin niya.

Matagal na kasi kayong hindi nagkikita, halos isang taon na mula noong may pinasabog kang balita tungkol sa sarili mo. Sino ba ang unang lumayo? Siya o ikaw?

“Saan ka pupunta?” tila isang template na tanong, filler sa isang album na walang magandang kanta, program plug sa tv show na walang commercial, anghel na dumaan sa hangin.

“Diyan lang.” Kikitain mo ang boypren mo. Halos isang taon na rin pala kayo. Mabilis ang panahon. Alam niyang masaya ka.

Umupo ka sa tabi niya, hindi niya inasahan yun. Ipinakilala sa mga bago niyang kaibigan. Wala kayong maisip na pag-usapan. Bakit  nga ba hindi na tulad ng dati na lahat ay pwede ninyong maging tampulan ng diskusyon, hindi na kailangan ng bente-singko sentimos para tumunog na parang juke box, wala nang gatilyo para lumabas ang bala ng baril, walang pagitan.

Simula noong nagka-boypren ka, wala na kayong naging tulay, nag-iba na ang mga mundo ninyo. Hindi niyo lubos maisip na sabay kayong umiyak noong nagbuhos ka ng problema sa kanya halos isang taon na ang nakaraan.

“Alis na muna ako, text mo ako kung nasaan kayo pagkatapos niyo magkape.”

Tumango lang siya. Natakpan kaya ng usok ng sigarilyo ang ngiti niya? Tinahak mo na ang daan patungo sa kung saan naghihintay ang boypren mo. Hindi ka lumingon, hindi ka niya hinabol ng tanaw. Hindi na kayo tulad ng dati. Wala ni isa sa inyo ang nakakaalam kung bakit.

“Saan kayo banda?” text mo sa kanya isang oras ang nakalipas.

“Dito, inuman sa may Araneta Center.”

Wala na siyang natanggap na reply mula sa’yo.  Hindi ka na niya kinulit o tinanong kung hahabol ka pa ba. Umuwi siyang lasing. Umuwi ka na sakay sa kotse ng boypren mo.

Advertisements

Ikaw, Siya at ang Piso sa Tenga

“Naiwan ko kasi ang pitaka ko sa bahay”.
Nakahinga na siya ng maluwag. Ibinaling na lang niya ang mga mata sa mga taong paroo’t parito sa bahaging iyon ng EDSA at Buendia.
“Sa susunod kasi, mag-ipit ka ng pera sa bulsa”.
“Ikaw ang tagapagligtas ko ngayon. Para maiba naman”.
Hindi ka na makasagot. Tama nga naman siya. Lahat ng angas, galit o dalamhati, sa kanya mo laging sinusumbong. Wala kang ideya na ‘yun ang gusto niya: ang makinig sa’yo at pagmasdan kang parang bata kapag nagkukwento.
“Kung hindi dahil sa naiwang piso sa load ko, maglalakad ako pauwi”.
Hindi uso sa inyo ang ‘salamat’, ang mga korning linya, ang mga yakap. Bigla niyang ginulo ang buhok mo.
“Gago”. Natutuwa ka sa paraan ng pagpapasalamat niya.
Kung alam mo lang, sa’yo lang siya humingi ng tulong. Sa’yo lang niya ibinahagi ang kanyang kahinaan. At nangangarap siyang sana mapansin mo iyon.
“Una na ako”.  Hindi siya ang nasa isip mo ngayon.
“Lalandi ka na naman!” May pait ang kanyang ngiti. Nakatalikod ka na para tahakin ang daan patungo sa MRT. 

Dear Bully

Ang akala ko dati, sadyang duwag lang talaga ako dahil ako ang lagi mong inaasar at paiyakin sa harap ng mga kaklase natin. Elementary pa tayo noon at hindi ko naiintindihan ang mga salitang “patience”, “oppression” at “psychotic”. Kaya inisip ko na lang na espesyal ako para sayo dahil buhay ko ang napili mong pahirapan.

Kahit ampayat mo at mukhang sakitin, walang mintis ang mga maliliit na batong tinitirador mo sa batok at ulo ko habang itinuturo ni Ma’am Coral sa atin ang phyllum at kingdom ng mga bulate at amoeba. Naiinis ako kasi hindi ako makaganti kahit gusto ko. Ang mga bukol sa ulo siguro ang naging dahilan kung bakit antalas ng memorya ko at kaya kong imemorize at irecite ang isang buong dictionary sa loob ng isang oras.

Wala akong naisip na dahilan kung bakit mo nilublob ang mukha ko sa inodoro bago ang karate class natin. Ang natatandaan ko lang, humingi ako ng isang pirasong Chippy sa crush mong si Lizette nung recess. Binantaan mo pa nga akong lunurin sa drum ng nakaimbak na tubig ulan habang pinagtatawanan ako ng mga kabarkada mo. Pinagpupunit mo ang uniform ko nun habang ipinakita sa ibang kaeskwela ang hubad kong katawan at ang hindi pa tuli kong ari. Iyon kaya ang dahilan kung bakit naging narcissist ako?

Recognition Day noon, malaki ang panlulumo ko dahil hindi nakarating sina Mama at Papa para ikabit ang medal ko bilang first honor. Pinagtripan mong itali ng mahigpit ang medal sa leeg ko at hila-hila gamit ang alambre, buong pagmamalaki mong ipinagsigawan sa buong eskwela na ako na ang papalit sa kamamatay mong alagang tuta. Gusto kong manlaban pero alam kong kapag ginawa ko yun, mas lalo kang gaganahan sa pang-aasar sa akin. Iyon kaya ang naging dahilan kung bakit nawalan ako ng pakiramdam at simpatiya para sa iba?

High school nang nagpagpasyahan ng mga magulang ko na ilipat ako sa ibang paaralan. Hindi ko maintindihan pero namiss kita at ang mga katarantaduhang ginawa mo sa akin. Naghanap ako ng ibang batang katulad mo pero lahat sila minahal ako. Wala kang naging katulad, aaminin ko. Ilang taon na rin ang lumipas at ang huling dinig ko, nagpakamatay ka raw kasi hindi mo kinaya ang buhay na wala ako sa piling mo. Totoo ngang matagal mamatay ang masasamang damo na kahit sumabog pa ang bungo mo, nagsurvive ka pa rin. Naisip kong bisitahin ka nun sa hospital kaya lang mas masaya palang mabuhay na wala ka.

Nasaan ka na ba ngayon? Sana nakahanap ka na ng ibang mapahirapan na kaya kang tiisin at pakisamahan. Sana naging kayo ni Lizette. Sana lumago ang negosyo mong pagbebenta ng tirador. Sana nagtagumpay ka sa pagiging boldstar. Sana isinauli mo ang medal ko. Sana nakarma ka at habambuhay mong titiisin ang kirot ng nabiyak mong bungo. Sana matuwa ka na hanggang ngayon, iniiisip pa rin kita at itinuturing na malaking bahagi ng kung ano man ako ngayon.

Paano ba naman. Hinding-hindi talaga kita makakalimutan dahil sa tuwing nagsusulat ako gamit ang paa ko, naaalala ko ang mga kamay kong nilagay mo sa umiikot na electric fan habang nag-i-spirit of the glass tayo.

Ikaw, Siya at ang espasyo sa mga mata

“Hindi ‘ata matamis ang cotton candy nila”, inabot mo sa kanya ang sukli sa bente.
“Nilibre ka na nga, angal ka pa.” Nakangiti siya. Ngayon ka lang niya nilibre simula nung magkakilala kayo.
May hanging dumaan. Lagi na lang kayong nauubusan ng sasabihin, hindi man lang nag-uusap ang mga mata niyo. Iniiwasan ninyong magkatinginan, siguradong magkaiba kayo ng dahilan.
“Inom tayo”, hindi ka nakangiti.
Kadalasan, siya ang na-eexcite sa ganitong imbitasyon pero may kakaiba sa galaw ng kanyang mga daliri. “Tumataba na ako.”
Alam mong nagdadahilan lang siya. Matagal-tagal din kayong hindi nagkita. Dumaan ang kariton na nagbebenta ng mga walis, salamin at basket.
“Balang araw, magiging photographer din ako”, sabi mo.
“Ikwento mo naman sa akin kung paano mo siya nakilala.”
“Random lang. Sa kung saan-saan.”
Hindi na siya nagtanong pa. May kakaiba sa galaw ng kanyang mga mata. [Pakiramdam niya balewala sa’yo ang kanyang absence]. Laging may dalang drama sa buhay ang pink na cotton candy.

Tips from a loser

Siguradong maligaya ka sa nakamit mong tagumpay ngayon. Sa wakas, natapos mo rin ang kolehiyo makalipas ang mga taong iginugol mo sa paglilipat ng kurso at eskwelahan. Ilang linggo o buwan mula ngayon, haharapin mo na ang pakikibaka para sa iyong espasyo sa totoong mundo. 

Huwag kang matakot. Naramdaman ko din ang agam-agam mo noong nag-uumpisa pa lang akong hanapin ang kapalaran ko. Nangamba ako noon hindi dahil kulang ako sa armas para harapin ang mga pagsubok kundi iba ang digmaan na gusto kong puntahan. Sabi ko sa’yo di ba, mas gusto kong magtayo ng banda kaya mag-Nursing. Alam ko ang hirap na pinagdaanan ni Nanay noon para maituwid lang ang pag-aaral ko kaya hindi na ako nangahas na lumipat sa ibang kurso. Swerte mo nga ngayon, dalawa na kaming tumustos sa mga pangangailangan mo.
Sa bagong mundong papasukan mo, marami kang makikilalang uri ng pagkatao. Karamihan sa kanila, hindi magiging masaya sa tagumpay mo, sa mga magagandang nagawa mo, sa maayos mong pakikitungo. Sila kadalasan ang magiging balakid upang maibigay mo sa sarili ang tiwala na dapat dala-dala mo sa bawat araw. Pilit ka nilang hatakin paibaba at bigyan mo ang sarili ng sapat na lakas para huwag magpahila. Sundin mo ang utak mo. Biguin mo sila, huwag kang padadala.
Huwag mo akong tularan. Puso lang ang sinunod ko. Naging emosyonal ako, naging mahina dahil mas ginusto kong maabot ang mga pangarap na pansarili. Napakaraming pagkakataong nakalimutan ko ang paghihirap ni Nanay at ang obligasyon na maitaguyod kayong aking pamilya. Kaya’t kahit hindi ako magkakapera, nagtayo ako ng banda. Naging masaya ba ako? Oo. Napakasaya. Ginawa ko ang lahat ng nakangiti, magaan ang loob, nag-aalab sa self-fulfillment. Sa gitna ng aking kahirapan at paghihikahos, nagkasya na ako sa isang bote ng beer bilang kabayaran para sa bawat tugtog ko. Naglakad ako pauwi, umutang ng pananghalian, ni hindi ako makabili ng bagong damit o sapatos. 
Nakikita mo naman kung nasaan na ako ngayon, hindi ba? Heto, tumatanda. Pakalat-kalat. Habang karamihan ng mga kaklase ko ay nakahiga na sa pera. Iyon ay dahil naging madiskarte sila sa buhay. Naging masikap sila. Naging praktikal. Kaya gawin mong aral ang buhay ko upang magsikap kang umangat sa buhay. Ibigay mo kay Nanay ang ginhawang inasahan niya mula sa akin na hindi ko natupad. Huwag mo akong tularan. Isa akong kabiguan. Dadating ang panahong bubuo ka ng sarili mong pamilya at siguraduhin mong maipagmamalaki ka nila. 
Masasabi ko bang nagsisisi ako? Hindi. Hinding-hindi, kapatid ko. Isa man akong pangit na ehemplo, narito ako para laging nakagabay sa’yo. Pasensiya na’t nagdadrama ako. Alam mo namang ganito lang ako kapag naikukumpara ko ang sarili sa mga yumaman nang kakiklala. Masaya naman akong maging bigo. Kaya ngayon, sa iyong pagtatapos ng kolehiyo, ihanda mo na ang sarili sa mas masalimuot na buhay sa totoong mundo. Sana nakinig ka sa mga munting payo na itinuro ko. Punuin mo ang baso ko ng beer. Isang kampay pa!

Lavender ang kulay ng mundo ni Omeng

Umuwi siyang bakas pa sa alaala ang bilis ng mga pangyayari sa loob ng bus ng hapong iyon. Hindi na niya naaninag ang mga mukha ng grupo ng mga lalakeng nakakurbata pero tumatak sa kanya ang mukha ng isa sa kanila nang sumigaw ito ng ‘holdap!’. Dalawang lalake ang mabilis na itinutok sa mga naninigas na pasareho ang kanilang dalang baril at tatlo ang sabay-sabay na nanlimas ng kanilang mga gamit, selepono at pera.


Eksayted siyang umuwi noon kasi huling araw na niya sa bankong pinagtatrabahuan at kinabukasan ay papasok na sana siya bilang copywriter sa isang maliit na ad agency. Sa wakas, papasukin ko na ang daigdig na matagal ko nang gusto, sabi sa sarili habang nakatingin sa estatwa ni Ninoy sa bungad ng Corinthian Gardens. Dahil nakuha niya ang sweldo nung araw na iyon at bilang gantimpala na rin sa sarili sa matagal na pagtitiis sa trabahong hindi niya mahal, dumaan siya ng Quiapo para bumili ng kulay ubeng casing para sa kanyang selepono.

“Cellphone mo!” sigaw ng mamang may pilat sa kanang kilay.

Bago niya pa ito iabot ay kinapkap na ng lalake ang kanyang bulsa, sapatos at underwear. Pakiramdam ni Omeng, nabastos siya, hindi dahil nahawakan ang kanyang nananahimik na ari kundi sa mga isinigaw sa kanya ng holdaper.

“Ano ba yan! 5110! Magpalit ka na ng selpown!”. Itinapon pabalik sa kanya ang selepono at dinig sa buong bus ang tinurang iyon ng walanghiyang magnanakaw. Natunaw ang dignidad ni Omeng, tila ba hinubaran siya ng karapatang magmataas na kung tutuusin, mas magaling siyang magsuot ng kurbata kaysa sa maangas na mama. Galit ang nabuo sa pagkatao niya, nagdilim ang kanyang paningin at parang superhero sa mga pelikula, sinaniban siya ng kakaibang lakas upang labanan ang mga kriminal. Tagumpay siyang naging tagapagtanggol ng mga biktima.

Abot-langit ang pasasalamat sa kanya ng mga natulungan nguni’t wala na siyang mukhang ihaharap sa kanila. Hindi pa rin siya natauhan mula sa kahihiyang idinulot sa kanya ng lalakeng uminsulto sa kanya. Ang pagwawalanghiya sa kanyang iyon kung tutuusin ay tinga lang sa mga nagyari sa kanya nang umagang iyon: tumawag ang boypren niya at sinabing hindi na siya nito mahal, natapilok siya sa elevator, pinagalitan siya ng 711 cashier dahil wala silang barya sa limandaang pisong binayad niya. Pero nang dahil sa isang selepono, pinagdudusahan niya ang kahihiyang walang kapantay.

Naglakad siya pauwi, naglalakbay ang sarili. Minarapat niyang humiga sa garahe ng apartment niya para subukang buuhin ang nabasag niyang kumpyansa sa sarili nguni’t kahit ano pa ang pilit niya, wasak na ang lahat ng pinaghirapan niya. Tumayo siya at aksidenteng nasipa ang isang lata ng pinturang lavender na inilaan sana niya para sa kanyang costume sa ati-atihan.

“Ube! Paborito ko ang ice cream na ube!”

Nagliwanag ang buong mundo niya. Noon lang siya nakaramdam ng matinding saya, isang pagbangon mula sa kamamatay lang na tiwala sa sarili. At sinimulan na niyang pinturahan ang garahe. Angganda. Angganda-ganda! Tumakbo siya sa sala at nilagyan ng pintura ang mga nakakalat na libro ni Haruki Murakami, ni Charles Dickens, ni Gabriel Garcia Marquez.

Ang mga cds ng Our Lady of Peace, ang mga memorabilia ni Sharon Cuneta, ang pirmadong movie poster ni Nini Jacinto, ang mga libro ni Bob Ong na itinuring na niyang bibliya, . Ansaya. Ansaya-saya! Sinunod niya ang kusina, ang kubeta, ang mga sabong panlaba, ang limang sachet ng anti-dandruff shampoo, ang lalagyan ng gamot para sa buni at an-an, ang masikip niyang kwarto, ang mga nakadikit na mukha ni Keanu Reeves, ni Kris Allen, ni Lea Salonga, ni Madonna, ang barong tagalog na matagal niyang pinag-ipunan, ang mga rebulto ng Sto. Niño, ang mga rosaryo.

Ang alaga niyang bonsai, ang buntis niyang pusakal, ang tsinelas niyang Spartan, ang itim niyang skinny jeans, ang tshirt niyang branded, ang kanyang mga kamay, ang makinis niyang mga braso, ang kanyang leeg, ang kanyang mukha. Ang malungkot niyang mukha!

Natuwa siya’t lumabas ng bahay at sinimulang pinturahan ang kalsadang binaha, ang mga pink na bakal sa EDSA, ang mga tulay, ang MRT, ang mga urinal, ang mga bangketang nagbebenta ng piratang dvd, ang mga tindering bungal, ang mga tinderang mapagsamantala, ang mga maiingay na pasahero, ang mga bus. Ang bus, kung saan lahat nagsimula.

“Akin na ang mundo!” Wala na siyang iba pang masabi sa ganda ng kanyang obra.

Bukas, paano ako magsisimula ng bagong buhay, tanong niya sa sarili.

Nagkulay lavander ang mundo ni Omeng. Pero habang buhay niyang dala ang bagahe ng kahihiyang idinulot sa kanya ng hamak na Nokia 5110.

Nakakasabaw din ang mga panaginip

Hindi ko maikilos ang mga paa ko sa di maipaliwanag na dahilan. Humahangos, naghahabol ng hininga. Nilipad ko ang bubong ng lumang bahay namin sa Davao at walang pwersang lumipad papunta sa itaas ng katabing bahay-kubo. Aswang ako nun, hinahabol ng mga hindi ko kilalang tao. Nagising akong basang-basa ng pawis, ayun naman, laway lang pala.


Isang beses napanaginipan kong isa akong ibon na nagmamasid sa malawak na sapa na lagi naming nilalakaran noon papuntang eskwela. At sa panaginip na iyon, may isang talon sa dulo. Napagpasyahan kong puntahan ang napakagandang talon at dumaan sa ilalim ng tulay. Mabilis ko raw siyang nilipad at hindi ko pa man naabot ang pupuntahan ko, sumalpak na ang mukha ko sa madilim na ilalim ng tulay. Kung anuman iyon, hindi ko na alam kasi nagising na ako.

Naging madali para sa akin ang paglipad nung naging superhero ako sa isang panaginip. Naalala kong busog na busog ako nang matulog nang gabing iyon at muli, mula sa bubong ng lumang bahay namin sa Davao, sinimulan kong lakbayin ang kalawakan. Dumaan ako sa ibabaw ng puno ng kaimito, sa mga kable ng kuryente, sa ilalim ng eroplano. At pataas. Pataas ng pataas. Anggaan ng pakiramdam ko na para bang isinilang ako para lumipad kasama ng mga ibon at ulap. Napakasarap ng pakiramdam kahit hindi ako tumira ng ruby nun, hindi ko alintana na sa totoong buhay, takot akong pumunta sa mga matataas na lugar. Sa paglapag ko sa lupa, naghihintay sa akin ang isang grupo ng mga palaka at nilamon nila ako ng buong-buo.

Isang beses naman, umakyat ako sa hagdanang yari sa kawayan. Isang napakatayog at napakataas na hagdanan. Napasarap ang akyat ko at nang napatingin ako sa pinagmulang lupa, nabitawan ko ang hagdan at parang bulak na idinuduyan ng hangin, nalaglag ako ng dahan-dahan. Naramdaman ko ang aking pagbagsak. Napakatalinghaga. May ritmo. May liriko. Kasabay noon, ang pangambang baka atakehin ako sa puso.

Naisip ko ang posibilidad na baka dating buhay ko, isa akong aswang, ibon, superhero o social climber lang. Kung bibigyan ng mas malalim na kahulugan ang mga paglipad sa panaginip ko, pinapaliwanag siguro nito sa akin na kahit anong taas ng lipad mo, babagsak at babagsak ka rin sa lupa dahil may gravity ang mundo.

Kaninang madaling-araw, sa unang pagkakataon napanaginipan kong sumisid ako sa isang napakalalim na dagat. Hindi ako sigurado kung isa akong Survivor castaway sa panaginip na iyon pero may tinuruan ako kung paano lumangoy. Ang kabalintunaan niyan, sa totoong buhay, natatakot ako sa dagat. Dahil ang dagat, nilalamon ang sinumang lumaban sa daloy ng kanyang mga daluyong. Kung bibigyan ito ng malalim na kahulugan, sinasabi nitong kailangan ko na uling magbawas ng timbang dahil kasimbigat ko na ang isa’t kalahating butanding. Nangyari ang panaginip na ito sa bagong taon. Bakit kaya ako napasisid? Ano ang mga aral na napulot ko sa mga panaginip na ito?

Hindi ko alam. Sabaw lang.

Ikaw, siya at ang lihim na espasyo

“Wuy.” Matagal rin niyang inisip ang dahilan kung bakit di ka na niya maramdaman.

“Pasensiya na.”

“Ano ka ba, hindi mo na kailangan himingi ng dispensa.” Hilaw na ngiti ang tugon niya.

At tulad ng dati, hindi mo iyon napansin. Dahil siguro, ganoon ka na bilang tao. Mas gusto niyang isipin na hindi.

“Maraming bago sa buhay mo ngayon ‘no?”

“Masaya ka ba para sa akin?” tanong mo.

“Oo. Oh well, hindi oo na oo.”

“Biglaan lang lahat. Ganoon nga siguro kapag nakita mo na ang taong para sa’yo.”

“Wag kang mag-alala. Sa bandang huli, sasalubungin din kita. Hindi para pangitiin ka kundi para pagtawanan ka.”

“Ano ka ba naman. Ngayon lang ako naging masaya. Uli.”

“Pasensya na”. Nakatingin siya sa semento. Binibilang ang mga pulang langgam na dumadaan sa ilalim ng kanyang pulang tsinelas.

Bakit ba kasi hindi mo maramdamang mas gusto niyang siya ang samahan mo kesa sa iba.

Hindi pa pala niya kayang tapusin ang kwento niyo.

Bituing katulad ng rosaryo

Isang pambihirang pagkakataon ang maamoy niya muli ang dama de noche na nagpapaalala sa kanya ng kanyang kabataan. Ilang taon na siyang hindi bumalik sa bahay na iyon, ang bumuo ng kanyang pagkatao. Napagtanto niyang marami na nga ang nagbago simula noong huli siyang humiga sa balkonaheng iyon para pagmasdan ang mga bituin na nakangiti mula sa langit. Paborito niya ang mga bituing nagkukumpulang parang rosaryo at tungkol doon ang pinakaunang maikling kwento na kanyang isinulat bilang pagpupugay sa kanilang kagandahan. Hindi na niya matandaan kung saan niya nailagay ang kopya nito pero hinihiling niya na sana, nasa mabuti itong kalagayan.

Nawala na ang punong mangga sa gilid ng bahay na iyon na lagi niyang inaakyat. Iniiwasan niya itong tingnan mula sa kanyang kwarto dahil ang sabi ng mga kalaro niya, may isang malaking kapre ang nakatira doon. Isang gabi ng Miyerkules Santo, araw kung kelan malapit nang mamatay ang Panginoon, nag-ipon siya ng lakas ng loob para silipin mula sa kanyang bintana ang puno at marahil dala ng kanyang labis na takot o pag-iisip na totoo ngang may kapre ay nakakita siya ng isang bolang apoy na naglalakad sa hangin. Napatalukbong siya sa kanyang kumot at nang hindi na niya matiis ang takot ay tumakbo siya sa loob ng kwarto ng kanyang mga magulang at doon na nagpalipas ng gabi.

“Hindi kapre yun. Baka santelmo lang.” sabi ng nanay niya pero mas lalo siyang natakot dahil kalaro niya mismo ang nagsabing ang apoy na iyon ay mula raw sa dugo ng patay na may kaluluwang hindi mapakali.

Nagsipag-alisan na sa kanilang lugar ang kanyang mga kababata na kadalasan kaysa sa hindi, ay nakakaaway niya dahil madalas siyang dayain sa laro nilang siyatong, piko, chinese garter, kikbol at patintero. Wala na ang liga ng basketbol na madalas niyang inaabangan tuwing Mayo, buwan ng matinding sikat ng araw, na inooganisa para sa nalalapit na piyesta ni San Juan tuwing Hunyo. Nguni’t bago niyan, ay ang prusisyon ng Flores de Mayo kung saan ang mga katekista ang pumipili ng mga batang nagsisipagganap bilang mga tauhan sa bibliya at sa hapon ng pinakahuling araw ng buwan ng mga bulaklak, iikot ang prusisyon sa buong subdibisyon at papanoorin iyon ng mga nakakatandang natutuwa sa mga magigiliw na mga bata. Siya ang laging napipili na Joseph, ang asawa ni Maria na ama ni Hesus. Pero ang totoo niyan, gusto niyang maging isa sa mga anghel na may hawak ng mga letrang A-V-E-M-A-R-I-A pero sa malas niya, hindi siya napipili. Naisip niya, siguro masyado siyang payat para magkaroon ng pakpak.

Sa bahay na iyon niya ipinagdiwang ang pinakamasaya niyang kaarawan kung saan nagluto ang nanay nya ng ispageti na walang hotdog at nagtimpla ng juice na may napakaraming tubig. Walong taon siya noon at hinding-hindi niya iyon makalimutan sa dalawang kadahilanan. Una, dahil iyon ang una at huling pagkakataong nagkaroon ng handaan para sa kanyang bertdey. Pangalawa, dahil nakisaya ang pinakauna niyang crush, ang kapitbahay at kababatang si Monet. Laking tuwa niya noong inabot ni Monet sa kanya ang basong pinag-inuman nito ng juice at buong kilig niya itong pinuno uli at doon siya uminom. Sinigurado niyang ang parte ng baso kung saan dumampi ang mga labi ng kanyang childhood crush ang kanyang magagamit. Hindi man nakita ni Monet iyon pero para sa kanya, iyon ang kanyang first kiss.

“Nasaan na kaya siya?” tanong niya sa sarili.

Napangiti siya nang maalala niyang sa abi ng kanyang ika-walong kaarawan ay nalaman niyang may gusto si Monet sa kanyang malayong pinsan at kapitbahay rin na si Gina. Kung nasaktan man siya noon ay hindi na niya maalala pero maaaring isa iyong pangitain sa kanyang magiging kapalaran, maraming taon ang dadaan. Maaaring kapalaran nga niya ang pag-ibig na hindi nasusuklian.

Antagal na nga niyang hindi humiga sa parteng iyon ng balkonahe at kung hindi pa niya naamoy ang dama de noche, hindi niya maalala ang mga mukha at pangyayaring naging dahilan kung bakit napakasaya ng kanyang kabataan. Lumipas man ang panahon pero mananatiling naroon ang mga bituing nagkukumpulang parang rosaryo. Kung para sa susunod na henerasyon na magmamasid sa mga ito, iba ang magiging kahulugan nila pero para sa kanya, mananatili silang napakagandang alaala.

Sino ka ba!

Eh, isa ka lang naman sa libu-libong generic na aesthetically gifted guys na pakalat-kalat diyan sa mga makokonyong lugar. Allergic kaya ako sa konyo! Nung una kitang nakita, anyabang-yabang ng dating mo, eh kung binugbog kaya kita.

Masyado kang dressed to kill. Kapag kasama kita, pakiramdam ko, yaya mo ako. Hindi ba pwedeng mag-shorts at mag-tsinelas ka na lang, kakain lang naman tayo sa The Fort ‘no! Masyado kang mabango. napapahiya ang Vitasoft (baby fresh) cologne ko. Masyado kang malinis, antagal-tagal mo sa banyo. Ano bang ginagawa mo dun? Naliligo ka ba sa gatas ng ina? Daig mo pa ang babae sa tagal mo magbihis. Iwan kaya kita!

Masyado kang vain at superficial. Kapag katabi kita, mortal sin ang pagpawisan kasi pakiramdam ko andumi-dumi ko na. At ang pinakanakakaloka sa lahat, wala kang barkadang pangit! O siguro naa-associate ko lang ang kutis-mayaman sa pagiging gwapo. Sandali, bakit ba ‘fuck!’ ka ng ‘fuck’. Hindi ba pwedeng mag-‘putang ina ka’ na lang. Yung kasinlutong ng La-La. Oo, fish cracker yun, hindi pet name ni Lady Gaga. Ambabaw mo talaga, wala kang depth.

Hay naku, masyado kang pa-kyut, hindi ako natutunaw sa mga ngiti o titig mo. Masyado kang pa-impress, nakakainis! Ni hindi nga ako nakikinig sa mga kwento mo. Alam mo bang nakaka-turn off yang ginagawa mo? Nakailang hikab na kaya ako, wish ko lang mapansin mo. Wala kang ibang alam pag-usapan kundi gym at kotse? Wala nga ako nun! Isa akong butanding na mahilig lumamon at nilalakad ko lang ang Batasan papuntang MOA.

Kaya sorry ka na lang, hindi ako nakakarelate sayo kapag bagot na bagot ka na sa kakahintay sa driver mo dahil coding ka. Ni hindi mo nga alam paano mag-commute. Kaya pala natameme ka nung sinabi ko sayo minsan na may tinulak akong lalake sa harap ng rumaragasang jeep, akala ko kasi holdaper. “Hindi ba masyadong mausok sa jeep?”, tanong mo. “Obvious ba”, sagot ko. Hindi ko alam kung bakit, basta tumawa ka na lang bigla. Mina-mock mo ba ang pagiging mahirap ko! “Hindi, ah.” pa-kyut mong sabi. Nakup! Sarap mo talagang tampalin.

Masyado kang maselan, akala mo dati nakakalason ang isaw. Oo, streetfood din ang banana cue tulad ng adidas at betamax. Ni wala kang idea kung gaano kasarap ang kwek-kwek at monay. Hindi mo alam kung ano ang biko at karyoka. Ang tawag mo sa kalabasa ay ‘yellow thing’. Try mo kaya kumain nun. Salpak ko sa bunganga mo, eh. Di kaya hypochondriac ka lang?

Akala mo cool ka dahil masyado kang pa-film buff? Laking tuwa mo siguro nung tinanong mo kung napanood ko na ang “Nosferatu” at ang sagot ko ay hindi. May evil grin kapa, kasi for once, nalampasan mo ang IQ ko. If I know, tulad ko, hindi mo rin naintindihan ang semiotics nun. Eh di ka nga nanonood ng sine kapag hindi Hollywood at diring-diri ka sa pelikulang Tagalog. Dati nga, akala mo si Einstein ang umimbento ng telepono at hindi mo alam ang ibig sabihin ng “compromise” at “sulking”. Turn-off ka talaga.

Masyado kang maarte. Mahilig ka pa sa musicals. “Ewe. You’re so gay”, trip kong sabihin kapag binabalahura kita. Oo, balahura. Sensya, hindi ko alam ang English equivalent nun. Basta, ‘yun na ‘yun. Sumasakit ang ulo ko sa R&B at Bossa, ano ba. Walang angas ang taste mo sa music. Pa-kyut ka nga! At masyado kang colonial mentality. Di porke’t nanonood ako ng local tv channels eh mababang uri nako ng tao. Kabilang kaya ako sa tinatawag na diverse at intelligent viewing public. Kunwari ka pa diyan, eh tawang-tawa ka kaya kay Pokwang! Ayaw mo lang aminin, baka kakantyawan ka ng mga friends mo.

Masyado kang spaced out. Natatawa ka sa mga sarcastic kong hirit hindi dahil naintindihan mo ang mga ‘yun kundi naa-amuse ka lang kung paano ko siya dini-deliver. Laking gulat mo, di ba, nung sinabi kong nanonood ako ng PBA at Ultimate Fighting Challenge. Sabi ko, ansarap ng mga basketball player! Mababaho ang mga yan, sagot mo. Inggit ka lang, sabi ko, kasi hindi ka kasintangkad at kasinggaling nila.

Hay naku. Sino ka ba! Eh, isa ka lang naman sa libu-libong generic na aesthetically gifted guys na pakalat-kalat diyan sa mga makokonyong lugar. Allergic kaya ako sa konyo! Pero pakshet, nami-miss kita.

Ikaw, siya at ang beer sa lalamunan

“All I have to do is dream,” sabi niya.

“Oo. Yung bandang kumanta nyan, sabay-sabay silang namatay sa isang plane crash,” sabi mo.

“Kinilig ako nung kinanta siya nina Ally McBeal at Antonio Sabato, Jr. sa isang episode kung saan nag-hire si Ally ng male escort para magpanggap na boyfriend niya. May gusto kasi siyang i-prove. Nagselos si Billy, yung childhood sweetheart niyang may-asawa na.”

“Weird ako. Hindi ako mushy.”

“Applicable kasi sa akin ang life imitates art. Mas masarap mabuhay sa hindi makatotohanang mundo.”

“Bakit ba pag-ibig na lang lagi ang bagahe mo?”

“Kasi matagal ko na siyang hindi nararamdaman.”

“Mature ba tayo?”

“Hindi. Sa lahat ng tao, pakiramdam ko, ako na lang ang hindi nagbago.”

“Gusto mong isipin na hindi siya masama?”

“Sana nga hindi masama na manatili akong isip-bata.”

“Siguro naman.”

“Kasaysayan na lang ang huhusga sa atin.”

“Sa atin.” Pag-uulit mo.

“Ako ang representasyon ng sawing pag-ibig.” Seryoso siya.

“Nakakatawa naman.”

“Ikaw ba hindi?”

“Ganon din ang pakiramdam ko.”

“Kaya nga tayo nandito, di ba.”

“Dala-dala ang parehong bagahe.”

“Sa magkaibang lebel.”

“Bakit?”

“Basta. Sigurado akong magkaiba tayo ng nararamdaman.”

“Sa parehong konteksto.”

“Pwede rin.”

Hindi na nila alam ang susunod na sasabihin sa isa’t isa.

“Uy…” hindi ka niya matingnan ng diretso.

“Bakit?”

Gusto niyang hawakan ang kamay mo. Pero hindi niya magawa. [Ang totoo niyan, gusto na niyang tapusin ang kwento niyo. Para sa’yo kaya?]

Confrontation three

[*3rd of three. Ang konek nito ay ang dalawang mga nauna: Confrontation at Confrontation, too.]

Salamat pero hindi mo naman kailangang makinig sa mga pagdadalamhati ko. Ano ka ba, wala ‘to. Ang totoo niyan, napapasaya ako ng mga bagay-bagay na nakakasakit sa akin. Mas nalulungkot ako sa katotohanang hindi ako ang dahilan ng kalungkutan niya. Ngayon, unti-unti ko nang pinag-aaralan kung paano lumayo sa kanya. Wag mo na kasi ako bigyan ng pansin, hindi ako sanay na may nag-aalala sa akin.

Salamat nga pala sa dalawang galong ice cream na binili mo. Naubos ko siya ng isang upuan habang nanonood ng “Nightmare on Elm Street” at “Petrang Kabayo”. One and Two. Talagang alam mong iyon ang gamot ko sa pag-eemo, no? Nagprisinta ka na namang lutuan ako ng pasta. At dahil hindi pula ang sauce na ginamit mo, tatlong kawali ang nilamon ko habang paulit-ulit na nakikinig ng System of a Down, Saydie, Slipknot, Rage Against the Machine at Aegis. Ng sabay-sabay. Oo, headbanger ako.

Salamat sa plano mong bigyan ako ng dalawang maltese terriers pero ang totoo niyan, panda at koala ang gusto kong gawing house pets. Minsan nga, gusto ko rin mag-alaga ng penguin at oras na malaman mo yun, sigurado akong bukas na bukas din, lilipad ka ng Alaska para hulihin ang pinaka-kyut na penguin sa buong kapuluan. Nga pala, ang gusto ko ay yung penguin na polka dot ang balat ha, kung sakaling may makita ka.

Salamat din pala sa pagsasabing anggaling-galing ko kahit lahat ng tao, tae ang tingin sa obrang ginawa ko. Kahit papaano, naiaangat ko ang sarili kahit man lang sa paningin ng mga taong tulad mo.

Hindi ko namalayan isang gabi na nakalutang na pala ako sa Ilog Pasig sa sobrang kalasingan pagkatapos kong languin ang apat na kahong sioktong at bangag dahil sa limang piraso ng katol na sabay-sabay kong tinira dahil mag-isa kong ipinagdiwang ang kaarawan niya. Dumating ka sakay ng isang helicopter para iahon ako pero hindi ko natatandaang ikaw ang tinawagan ko.

Siya, na pinapangarap kong sumagip sa akin, ay nalunod rin pala sa sarili niyang kalungkutan dahil hindi man lang siya binati ng taong pinangarap niyang bubuo sana ng bertdey niya. Teka, pupuntahan ko siya. Kailangan niya ng makikinig at dadamay sa kanya. Hindi mo na ako kailangang samahan pa.

Kaya, sa muling pagkakataon, heto na naman ako, nakamasid sa kanya habang ipinagluluksa ang pag-ibig niya para sa taong may mahal namang iba. At ikaw, bakit ka ba laging handang magmasid sa akin?

Paulit-ulit mo mang sabihin at iparamdam sa akin, maraming salamat pero hindi ko kailangan ang pagmamahal mo.

Ang paghihiganti ni Cofradiang Panget

Nakikilala mo pa ba ako? Sigurado akong ‘hindi’ ang isasagot mo. Huwag mo akong titigan na para bang ang pagtataka mo ang mag-uudyok sa simbahan para gawin kang santo. Awa? Anong awa ang pinagsasabi mo.

Hindi mo man lang ako pinakinggan noong unang beses kong sinubukan na lapitan ka at ibigay sayo ang card na pinagpuyatan kong buuhin. Isinulat ko ang tulang ginawa ko para sayo at nilagyan ko ng tatlong petals ng bughaw na rosas para maiparamdam ko ang paghanga sayo. Hindi mo man lang tinanong ang pangalan ko at mabilis mo akong sinipa ng iyong napakatigas na paa. Black belter ka nga pala. Ang iniwang alaala nun ay ang marka ng swelas sa mukha ko na araw-araw kong tinititigan sa salamin dahil umaasa pa rin ako na sana, umilag na lang ako.

Nakita kita sa mall kasama ang nililigawan mong sikat na artista. Lumapit ako para ngitian ka dahil gusto kong ipakita sayo ang bagong linis kong ngipin pero hindi ko pa naibukas ang mga labi ko ay sinigawan mo na ako at ipinahiya sa mga taong dumadaan. Tinulak mo ako sa salubong na escalator at hindi ka pa nakuntento, nilagyan mo ng dinikdik na sili ang nabasag kong bungo at sinabi mong wag na wag na kitang susundan. Nakatingin sa akin ang nililigawan mong sikat na artista habang humahalakhak sabay sabing “belat”. Sana sinampal mo lang ako noon. E di sana, hindi nakalabas ang utak ko ngayon dahil sa nabasag kong bungo.

Naiihi ako noon kaya pumasok ako sa isang sosyal na restawran at doon, kumakain ka kasama ang bago mong nililigawang sikat na model. Nakita mo ako at hinila papunta sa kusina at walang kaabog-abog na itinali mo ang mga kamay at paa ko sa tangke ng gas sabay sabing “wag mong gambalain ang pagkain ko dahil nasusuka ako kapag nakikita ko ang pagmumukha mo!” Natuwa ako kahit papaano dahil natatandaan mo ako. Siguro, naaalala mo ang sapatos mo kapag nakikita ako. Inutusan mo ang mga kusinero na i-bake ako sa oven at kapag naging golden brown na ako ay ilagay ako sa loob ng pridyidir upang manigas at nang hindi ka na magambala pa habambuhay. Pag-alis mo, imbes na sundin ang utos mo ay ginahasa ako ng sampung tagapagluto, benteng waiter, tatlong sekyu pati na ng babaeng cashier at baklang manedyer.

Hindi ko inisip na api ako pero katulad ng mga bida sa fairy tales at telenovela, nakapag-asawa ako ng bulag na mayaman na siyang nagbigay sa akin ng lahat ng hihingiin ko. Siya, na hindi ko rin sigurado kung minahal nya nga ako o napapanatag lang siya sa katotohanang may nilalang na mas masaklap pa ang sinapit kaysa sa sarili niya. Oportunista ako kaya mayaman na ako ngayon. Sikat at tinitingala ng mga taong dati nag-aakalang isa akong estatwa sa gitna ng garden ng namatay kong asawa. Pero, higit sa anumang pagtanggap ng mundo sa bagong ako, sinigurado kong mabubuhay ako ng matagal upang sa pagdating ng araw na ito, maisagawa ko ang paghihiganting inaasam-asam ko.

At ngayong kaharap na kita, nakapagtatakang ni awa o galit sa’yo ay hindi ko maramdaman. Ni pag-ibig, pagnanasa o libog ay wala na rin. Napatitig na lang ako sayo at napagtantong ang trahedya ko lang ay masyado kasi akong mahilig sa gwapo.

May kilala ka rin ba?

Meron akong kilala, hindi siya kumakain ng karne. Hindi raw kasi healthy. “Ayokong tumaba katulad ng iba”, sabi niya. “May kaibigan ako, mahilig sa taba ng karne: sa sinigang, sa nilaga, sa kaldereta, sa afritada, sa pasta. Trenta anyos pa lang siya, nastroke, namatay. Ayokong magkaganon.”

Gusto pa raw niya magbunjee jumping, libutin ang buong Pilipinas sakay ang hot air balloon, magswimming sa Bermuda Triangle, maging impluwensiya sa mga kabataang gustong maging tulad niya pagdating ng panahon, makapagsulat ng libro laman ang kanyang mga tula ng pag-ibig, mag-aral tumugtog ng piano, magkaanak, maging lolo sa kanyang isang dosenang apo, maranasan ang World War III, umabot sa 2012, ang katapusan ng mundo ayon sa mga Mayans.

Kaya nagpasya siyang maging vegetarian. Bumili siya ng maraming-maraming kilo ng gulay. Luntian, dilaw, madahon, maugat, masarap, mabalahibo, matinik. Tuwang-tuwa siya sa kanyang bagong sarili. Pakiramdam niya, iba ang liwanag na nagmumula sa kanyang katawan. Naging mas malakas siya, masigla, maliksi. Alam niyang malusog ang kayang pangangatawan, kayang-kaya na niyang abutin ang lahat ng kanyang mga pangarap. Suot ang isang imbisibol na kalasag laban sa lahat ng uri ng sakit, nilakad niya ang EDSA.

Hay, angganda ng EDSA, sabi niya. Marumi, maingay pero sinisimbolo nito ang pamumuhay ng makabagong masang Pilipino. Sa kanyang paglalakad, iniisip niya kung paano baguhin ang mundo, ang hikayatin ang lahat ng tao na maging vegetarian at healthy katulad niya. Napangiti siya sa kanyang makataong plano nang biglang may humaharurot na non-aircon bus, walang prenong sumagasa sa malusog niyang katawan. Nagkapira-piraso ito sa gitna ng mainit na kalsada ng EDSA, ang mga nginuyang letsugas at dahon ng malunggay na tumilapon mula sa kanyang sumabog na tiyan. Ang vegetarian, ni hindi naramdaman kung gaano kasarap ang kumain ng karne, ng taba na lumulutang sa sabaw ng sinigang, sa mantika nito na inihalo sa kaning lamig na nilagyan ng toyo. Ang vegetarian, hindi nastroke pero hindi nabuhay hanggang trenta anyos.