Hindi ito liham ng pag-ibig

“Please give me a chance to love you, too.” 
Hindi mo alam ‘to pero pinagtawanan ako ng kaibigan kong si Ferdie nung marinig niyang sinabi mo sakin to. Napangiti ako, oo. Pero hindi ako yung tipong nagpapapahalata ng saya o gulat o kilig. Mahigit apat na taon na pala mula nung sinabi mo sa akin ang mga katagang yun. Naalala ko lang at napapangiti pa rin ako. 
Ayoko kasing simulan ang liham na ‘to sa “Dear Carlo”. Hindi naman kasi ako mail-order bride. Alam mo namang lahat ng ginagawa ko, gusto kong gawin sa kakaibang paraan. Kadalasan, sa kagustuhan kong mapaiba, nagiging korni at predictable na yata ako. Hindi na nakakatuwa. Sa tuwing nakikita ako ni Ferdie o kahit maka-text man lang, lagi niyang pinapaalala ang linya mong iyon at sa tuwina, namumula ako. Parang teenager na namumukadkad, nababalisa at nagkakataghiyawat. Tumatak nga ang pick-up line mo.
Sa tuwing tinatanong kita kung bakit mo ako mahal, lagi mong sagot ‘hindi ko alam’. Dapat nga ba akong matunaw o mag-alala? Inaasahan kong sasabihin mo na mahal mo ako ‘kasi umuutot ka sa harap ko nang walang paalam, kasi pinipilit mo akong kumain ng gulay,  kasi natatawa ka kapag sinasabi kong amoy matanda ang repolyo, kasi hinahayaan mo akong lumabas kapag Sabado, kasi pinapatawa mo ako sa mga hirit mo, kasi pinagtitiyagaan mo ang ugali ko, kasi jologs ka.’ Ang sabi mo lang, mahal mo ako dahil ako ito. Yun lang at napapakalma na ako kahit kadalasan, hindi ko alam ang ibig sabihin ng ‘ako ito’.
Halos limang taon. Hindi ko na maalala ang bawat detalye ng mga buwan, linggo, araw, oras, minuto, segundo ng iyong paglubog, paglitaw, pagseselos, pamamaalam, pagyakap, paghalik, pagtawa, pakikinig, pagsuporta pero lahat ng yun, nakaukit na sa sistema ko at katawan ko na ang kusang naghahanap sa presensya mo. Sa lahat ng tagumpay, nandyan ka para makisaya kasama ko. Nakikidalamhati sa tuwing nabibigo, ibinibigay ang balikat sa bawat panibugho, nakinig sa lahat ng angas.
Isang salamat lang ba ang maaari kong sabihin sayo? Malamang hindi. Dahil kulang pa ang isang salita na mamumutawi mula sa aking mga labi. Dahil sa bawat sandali, lagi kong ipinagpapasalamat ang pagkakataong ibinigay ko para sa ating dalawa. Dahil wala nang hihigit pa sayo. Dahil wala nang hihigit pa sa pagmamahal mo.
Advertisements

Ikaw, Siya at ang mga Kuliglig sa Ere

“Asan ka?”


Tumawag siya sa telepono na hindi niya karaniwang ginagawa. Matagal bago mo siya sinagot, abala ka sa ibang bagay.

“Makati”.

Nanonood ka ng palabas. Tinutugtog ang paborito mong musika. Ano bang meron sa musikang ito at parte na siya ng iyong sistema? Walang pasintabi, ibinaba niya ang telepono. Ibang klase talaga ang trip nun, napangiti ka na lang. Hindi ka natinag, nasa tabi mo naman ang taong nagpapasaya sayo.

Tinitigan mo ang taong nagpapasaya sayo, hinawakan ang kamay. Wala ka nang ibang mahihiling pa. Natupad na ang matagal mo nang pinangarap, nasa tabi mo na siya. Kasa-kasama mo, ginagawa ang mga bagay na dati ginagawa mo lang mag-isa. Ngayon, may kasalo ka na. Iba nga talaga ang pakiramdam na may kasama ka, kasabay na ngumiti, kasabay sa lahat. 

Hindi na mahalaga sayo kung pinagtripan ka niya, yung tumawag sayo. Mas matagal mo nga siyang kasama, matagal nang kaibigan. Pero hindi mo siya kayang mahalin katulad ng pagmamahal niya sayo. Alam mo yun. Alam din niya.

Ang hindi mo alam, siya na tumawag sayo, matagal ka na niyang pilit malimutan. Bigo siya.

To the one who’s never coming back

Isang repost mula sa dating blog ko, isinulat noong April 16, 2007. Nagdadrama ako dahil sa paghihiwalay namin ni Carlo. 

Hindi pa rin pala ako nagbabago.

Those hands I didn’t get the chance to hold.  Do they sweat when you’re nervous?  Lucky for your sharp knife to be wrapped around your fingers when they make love before lunchtime.  And the garlic stains that tried to get in the way to your trimmed nails.  Those hands that held the spoon that carried the food to your ex’s mouth every breakfast in bed.

Those hands.  That I didn’t get the chance to feel.  When I desperately long for a massage when days were heavy.  That could have held the soap I wished ran through my back when I was too lame to call it a day.  The softness of those hands remained a wonder.

How do you sound when you’re angry? Does your voice tremble like a child stripped of his innocence? You must sound so sweet when you’re happy.  Each time you say you were, I knew I could defy gravity just to hear that whisper, gently laid upon my empty ears.

Your voice. I never got to hear them. Such pity.

What could be the sound of shower on your fair skin?  Are they like the rustles of dead leaves that I playfully love to step on during a quiet walk along that deserted street? Your skin, I never got to feel.

And those eyes.  That I saw from somewhere the sad longing to stay away from my gaze.  The useless chants of arrows that struck them, bleeding until they see no more.  Wishing they wouldn’t see me anymore.

Your anatomy. Your whole.  I never had them.  Like the songs I never wrote but wished I had.  Or captured beauty of something that was never blinding.

There you were.  On your back, inertia of my soul.  I never had you. Like mystery.

Good riddance

Malawak pa ang patag na lalakbayin
Ang takot mo’ng ako lang ang nakakaalam
Gustuhin ko mang kamay ko ang iyong hawakan
Nakaantabay siya, nakangiti, nag-aabang.


Pipilitin kong ngumiti sa paghatid sa’yo…


Kasabay niya.

Ikaw, siya at ang beer sa lalamunan

“All I have to do is dream,” sabi niya.

“Oo. Yung bandang kumanta nyan, sabay-sabay silang namatay sa isang plane crash,” sabi mo.

“Kinilig ako nung kinanta siya nina Ally McBeal at Antonio Sabato, Jr. sa isang episode kung saan nag-hire si Ally ng male escort para magpanggap na boyfriend niya. May gusto kasi siyang i-prove. Nagselos si Billy, yung childhood sweetheart niyang may-asawa na.”

“Weird ako. Hindi ako mushy.”

“Applicable kasi sa akin ang life imitates art. Mas masarap mabuhay sa hindi makatotohanang mundo.”

“Bakit ba pag-ibig na lang lagi ang bagahe mo?”

“Kasi matagal ko na siyang hindi nararamdaman.”

“Mature ba tayo?”

“Hindi. Sa lahat ng tao, pakiramdam ko, ako na lang ang hindi nagbago.”

“Gusto mong isipin na hindi siya masama?”

“Sana nga hindi masama na manatili akong isip-bata.”

“Siguro naman.”

“Kasaysayan na lang ang huhusga sa atin.”

“Sa atin.” Pag-uulit mo.

“Ako ang representasyon ng sawing pag-ibig.” Seryoso siya.

“Nakakatawa naman.”

“Ikaw ba hindi?”

“Ganon din ang pakiramdam ko.”

“Kaya nga tayo nandito, di ba.”

“Dala-dala ang parehong bagahe.”

“Sa magkaibang lebel.”

“Bakit?”

“Basta. Sigurado akong magkaiba tayo ng nararamdaman.”

“Sa parehong konteksto.”

“Pwede rin.”

Hindi na nila alam ang susunod na sasabihin sa isa’t isa.

“Uy…” hindi ka niya matingnan ng diretso.

“Bakit?”

Gusto niyang hawakan ang kamay mo. Pero hindi niya magawa. [Ang totoo niyan, gusto na niyang tapusin ang kwento niyo. Para sa’yo kaya?]

Confrontation three

[*3rd of three. Ang konek nito ay ang dalawang mga nauna: Confrontation at Confrontation, too.]

Salamat pero hindi mo naman kailangang makinig sa mga pagdadalamhati ko. Ano ka ba, wala ‘to. Ang totoo niyan, napapasaya ako ng mga bagay-bagay na nakakasakit sa akin. Mas nalulungkot ako sa katotohanang hindi ako ang dahilan ng kalungkutan niya. Ngayon, unti-unti ko nang pinag-aaralan kung paano lumayo sa kanya. Wag mo na kasi ako bigyan ng pansin, hindi ako sanay na may nag-aalala sa akin.

Salamat nga pala sa dalawang galong ice cream na binili mo. Naubos ko siya ng isang upuan habang nanonood ng “Nightmare on Elm Street” at “Petrang Kabayo”. One and Two. Talagang alam mong iyon ang gamot ko sa pag-eemo, no? Nagprisinta ka na namang lutuan ako ng pasta. At dahil hindi pula ang sauce na ginamit mo, tatlong kawali ang nilamon ko habang paulit-ulit na nakikinig ng System of a Down, Saydie, Slipknot, Rage Against the Machine at Aegis. Ng sabay-sabay. Oo, headbanger ako.

Salamat sa plano mong bigyan ako ng dalawang maltese terriers pero ang totoo niyan, panda at koala ang gusto kong gawing house pets. Minsan nga, gusto ko rin mag-alaga ng penguin at oras na malaman mo yun, sigurado akong bukas na bukas din, lilipad ka ng Alaska para hulihin ang pinaka-kyut na penguin sa buong kapuluan. Nga pala, ang gusto ko ay yung penguin na polka dot ang balat ha, kung sakaling may makita ka.

Salamat din pala sa pagsasabing anggaling-galing ko kahit lahat ng tao, tae ang tingin sa obrang ginawa ko. Kahit papaano, naiaangat ko ang sarili kahit man lang sa paningin ng mga taong tulad mo.

Hindi ko namalayan isang gabi na nakalutang na pala ako sa Ilog Pasig sa sobrang kalasingan pagkatapos kong languin ang apat na kahong sioktong at bangag dahil sa limang piraso ng katol na sabay-sabay kong tinira dahil mag-isa kong ipinagdiwang ang kaarawan niya. Dumating ka sakay ng isang helicopter para iahon ako pero hindi ko natatandaang ikaw ang tinawagan ko.

Siya, na pinapangarap kong sumagip sa akin, ay nalunod rin pala sa sarili niyang kalungkutan dahil hindi man lang siya binati ng taong pinangarap niyang bubuo sana ng bertdey niya. Teka, pupuntahan ko siya. Kailangan niya ng makikinig at dadamay sa kanya. Hindi mo na ako kailangang samahan pa.

Kaya, sa muling pagkakataon, heto na naman ako, nakamasid sa kanya habang ipinagluluksa ang pag-ibig niya para sa taong may mahal namang iba. At ikaw, bakit ka ba laging handang magmasid sa akin?

Paulit-ulit mo mang sabihin at iparamdam sa akin, maraming salamat pero hindi ko kailangan ang pagmamahal mo.

Ang paghihiganti ni Cofradiang Panget

Nakikilala mo pa ba ako? Sigurado akong ‘hindi’ ang isasagot mo. Huwag mo akong titigan na para bang ang pagtataka mo ang mag-uudyok sa simbahan para gawin kang santo. Awa? Anong awa ang pinagsasabi mo.

Hindi mo man lang ako pinakinggan noong unang beses kong sinubukan na lapitan ka at ibigay sayo ang card na pinagpuyatan kong buuhin. Isinulat ko ang tulang ginawa ko para sayo at nilagyan ko ng tatlong petals ng bughaw na rosas para maiparamdam ko ang paghanga sayo. Hindi mo man lang tinanong ang pangalan ko at mabilis mo akong sinipa ng iyong napakatigas na paa. Black belter ka nga pala. Ang iniwang alaala nun ay ang marka ng swelas sa mukha ko na araw-araw kong tinititigan sa salamin dahil umaasa pa rin ako na sana, umilag na lang ako.

Nakita kita sa mall kasama ang nililigawan mong sikat na artista. Lumapit ako para ngitian ka dahil gusto kong ipakita sayo ang bagong linis kong ngipin pero hindi ko pa naibukas ang mga labi ko ay sinigawan mo na ako at ipinahiya sa mga taong dumadaan. Tinulak mo ako sa salubong na escalator at hindi ka pa nakuntento, nilagyan mo ng dinikdik na sili ang nabasag kong bungo at sinabi mong wag na wag na kitang susundan. Nakatingin sa akin ang nililigawan mong sikat na artista habang humahalakhak sabay sabing “belat”. Sana sinampal mo lang ako noon. E di sana, hindi nakalabas ang utak ko ngayon dahil sa nabasag kong bungo.

Naiihi ako noon kaya pumasok ako sa isang sosyal na restawran at doon, kumakain ka kasama ang bago mong nililigawang sikat na model. Nakita mo ako at hinila papunta sa kusina at walang kaabog-abog na itinali mo ang mga kamay at paa ko sa tangke ng gas sabay sabing “wag mong gambalain ang pagkain ko dahil nasusuka ako kapag nakikita ko ang pagmumukha mo!” Natuwa ako kahit papaano dahil natatandaan mo ako. Siguro, naaalala mo ang sapatos mo kapag nakikita ako. Inutusan mo ang mga kusinero na i-bake ako sa oven at kapag naging golden brown na ako ay ilagay ako sa loob ng pridyidir upang manigas at nang hindi ka na magambala pa habambuhay. Pag-alis mo, imbes na sundin ang utos mo ay ginahasa ako ng sampung tagapagluto, benteng waiter, tatlong sekyu pati na ng babaeng cashier at baklang manedyer.

Hindi ko inisip na api ako pero katulad ng mga bida sa fairy tales at telenovela, nakapag-asawa ako ng bulag na mayaman na siyang nagbigay sa akin ng lahat ng hihingiin ko. Siya, na hindi ko rin sigurado kung minahal nya nga ako o napapanatag lang siya sa katotohanang may nilalang na mas masaklap pa ang sinapit kaysa sa sarili niya. Oportunista ako kaya mayaman na ako ngayon. Sikat at tinitingala ng mga taong dati nag-aakalang isa akong estatwa sa gitna ng garden ng namatay kong asawa. Pero, higit sa anumang pagtanggap ng mundo sa bagong ako, sinigurado kong mabubuhay ako ng matagal upang sa pagdating ng araw na ito, maisagawa ko ang paghihiganting inaasam-asam ko.

At ngayong kaharap na kita, nakapagtatakang ni awa o galit sa’yo ay hindi ko maramdaman. Ni pag-ibig, pagnanasa o libog ay wala na rin. Napatitig na lang ako sayo at napagtantong ang trahedya ko lang ay masyado kasi akong mahilig sa gwapo.

Confrontation, too.

Oo, nakita ko na siya. Ang totoo nyan, nag-usap pa kami. Ngayon, mas naiintindihan ko na kung bakit patay na patay ka sa kanya. Sa isang libo’t isang paraan o maaaring hight pa riyan, hindi ko kayang makipagkumpetensiya sa kanya. Antaas niya. Mataas na mataas.

Kaya pala gabi-gabi, hindi ka mapakali hangga’t hindi mo nasisiguradong nakauwi na siya o nakakain na ng hapunan. Anlaki siguro ng ngiti mo kapag kasama siya ‘no? Mahilig ba siya sa mga mamahaling restaurant o sa tabi-tabi lang tulad mo? Ayaw din ba niyang magbasa ng Twilight books tulad mo? Antalino siguro ng mga balitaktakan ninyo. Huwag na, ayokong sumabay kapag nagdinner kayo, baka malunod lang ako.

Sabay din ba kayong nanonood ng anime? Sabi mo, mahilig kayong mamirata ng dvd at manood ng pelikula na gustung-gusto niyong dini-deconstruct pagkatapos. Alam mo bang sa pelikula din umiikot ang buhay ko? Kahit papaano, nakakapagsulat din ako pero mas gusto mong mabasa yung mga sinusulat niya. Hinding-hindi ako magiging kasinggaling niya, sigurado.

Ano nga uli yung album na pinakinggan niyo habang nakahiga kayo sa madamong bahagi ng Sunken Garden bago bumagyo nung isang buwan? Hindi ba’t mas romantiko kapag nagpapatugtog siya ng cello habang nakikinig kang nakatingin sa langit, naghahangad na sana lagi kayong magkasama. Uy, pinapangarap ko ring makasama ka sa Sunken kaya lang busy ka palagi. Oo naman, alam ko namang uunahin mong gawin kung anuman ang gusto niya.

Hindi mo nga pala naikwento sa akin kung binigyan ka na niya ng surprise pero umabsent ka isang Lunes nung malaman mong naospital siya dahil sa sakit sa tiyan at nagulat siya paggising na puno na ng puting rosas ang kwarto niya. Minsan isang hatinggabi, sinundo mo siya sa isang inuman kung saan siya naglasing dahil namatay ang kanyang mini pincher dahil sa katandaan. Answerte naman niya. Lagi kang nandiyan para sa kanya. Sana ganyan ka rin sa akin pero mas pinili kong huwag nang sabihin sa ‘yo.

Pero ngayong sinabi ko na sa’yo, wag kang mag-alala dahan-dahan ko nang ilalayo ang sarili ko. Pero kahit noon pa, hindi ba’t andito lang ako, laging malayo sa’yo? O, wag ka nang malungkot. Ayokong nakikita kang ganyan. Anlayo ko pero tanaw kita habang tinititigan siya. Hay. Katulad din kita. Nagmamahal ng taong nagmamahal ng iba. Answerte niya, kahit ano gagawin mo para sa kanya kahit alam mong ang patutunguhan nun ay sa wala. Swerte mo nga, andito ako para pakinggan ka.

Sana kahit papano, lumingon ka rin sa akin habang nakatingin sa kanya. Katulad ng ginagawa ko sa’yo ngayon.

Adik

Naghintay ako ng sobrang tagal pero hindi ka dumating.
At ngayong dumating ka na,
hindi kita sasalubungin.

Adik pala ako sa paghihintay.

Nabuhay ako!

Dahil isa akong multo ng nakaraan. Paikot-ikot, pagala-gala, nakatingin sa puting kisame ng maliit na kwartong mainit. Pinagpawisan dahil wala namang lumalabas na kahit na konting magpapagalaw ng kamay sa puting papel na nabuhusan ng RC cola. Hindi ako lumalabas.

“Pumayat ka”, sabi niya na nakangiting-aso.

“Recession kasi. Nauna ka nang kumain, matagal na akong hindi nakakain ng ganito”. May ebola virus kasi at laging lanta ang dahon ng gulay. Masangsang ang amoy ng isda. Mahal na rin ang bigas, ibinibiyahe pa kasi mula Vietnam at Thailand.

“Buti na lang malamig kapag gabi”.

“Hindi muna ako iinom ng beer, nalasing kasi ako nung Disyembre. Gumapang ako pauwi ng bahay”, sabi ko sabay order ng isang beer. Dumating ito na hindi malamig, naglagay ako ng limang dakot ng yelo na mabilis natunaw.

Nagtaka ako pero hindi ko na kinuwestiyon. Blangko ang aking mukha.

“Do I make sense?”

“Hindi”.

Sampung puting rosas

Ibinalik mo sa akin ang paniniwala na may nangyayaring “good accidents” sa buhay-buhay natin. Akala ko kasi dati, sa “Serendipity” lang nangyari yun. Di pala. Pwede rin pala siyang maganap sa Bulacan, sa Cubao o sa Panay.

Ambilis pala ng mga nangyari. Hindi ko namalayang nalunod na pala ako sa kumunoy ng mga ngiti mo, ng mga kwento mo, ng ingay mo. Ganun pala yun. Hindi mo iispin na dadating ang isang tao sa’yo at talagang nandyan siya na hindi man lang kakatok o magdoorbell. Bubungad na lang siyang parang advert sa isang porn site.

Di ba nga, nakasimangot ka pa sa akin nung una mo akong nakita. Di ba nga, ang kaluluwa ng alak ang nagtali ng mga pusod natin para maglakad sa iisang mundo at kabit-kabit na buhay-buhay. Di ba nga, maingay ka. Di ba nga, walang pakundangan ang pagbukas ng ating mga sarili sa isa’t isa. Di ba nga, nandoon na tayo. Di ba nga, nagtago tayo. Di ba nga, nagulantang tayo. Di ba nga, nabilisan tayo sa mga pangyayari pero sumakay tayo na kapit-kamay para hindi mahulog o mabangga. Di ba nga, sabay tayong lumipad.

Naalala mo pa ba yung isang puting rosas na inilagay mo sa bag ko habang nakalingat ako. Dinagdagan mo pa nga ng siyam yun. Oo, binilang ko. Binilang ko hanggang hindi ko na kayang magbilang dahil pati ang mga talutot nito, gusto kong pitasin para ilatag sa mesang pinagkainan natin at ibalik sa oras na tayo’y aalis. Naalala mo ang barbikyu? Masarap sila, gaya nung panahong nagkukwentuhan lang tayo ng mga bagay-bagay na nakakatawa at kahit anuuman ang nangyari sa iyo sa nakaraan, masaya nating binaybay ang katotohanang kaya ko rin pala na hindi magpanggap.

Ang ikli lang pala ng panahon natin. Hindi pa ako nakahinga mula sa gulat ng pagtatagpo natin, nagising akong lumabas ka na ng pinto nang di ko naririnig ang mga yapak mo. Wala ka na pala. Ang alam ko, hindi ako nanaginip at lalong hindi ako namalikmata.

Naalala mo pa ba ang oras? Ambilis niyang lumipas. Ambilis niyang dumaan. Ambilis niyang bumisita. Parang pinagtripan niya lang ako at dinala ka niya sa akin para sabihing “nangyayari ang mga aksidenteng pagtatagpo”. Binilang ko siya. Binilang ko hangga’t hindi ko na maintindihan kung ano ang mga nangyari, kung paano nangyari at bakit nangyari. Binilang ko hangga’t hindi ko na alam kung ibabalik ka pa niya sa akin o hindi.

Mabuti pa pala ang hangover, kung minsan, hindi ka iniiwanan. O ang peklat, kasi panghabambuhay. O ang balakubak, dahil nangungulit sila para balikan ka. Ang oras, hindi. Ikaw kaya?

Nga pala, andyan pa ang sampung puting rosas. Nakandusay. Matamlay. Ibang-iba sa mga ngiting naramdaman ko mula sa kanila nung iniabot mo sila sa akin sa gitna ng mga nagsasalpukang bote ng beer at barbikyu. Nalulungkot rin siguro sila dahil walang kasiguraduhan kung masisilayan ka pa nila. Sana, makapaghintay pa sila sa iyong walang kasiguraduhang pagbabalik. Tulad ko.