Kaya pala

Mahimbing ang paglalakbay ko pauwi kagabi. Sakay ng jeep, naramdaman ko ang lamig ng hangin. Minsan, malamig sa gabi, minsan mainit. Pinilit kong hindi makatulog at hindi maramdaman ang pangambang baka hohold-upin na naman ako. Sana naman hindi. Ngayon pa, bilang aligaga ako sa dinami-dami ng ginagawa. Sunud-sunod. Momentum kung momentum.

Nag-iedit ako ng pelikulang “Marino” ni Paul Sta. Ana. Ng “Astig”, Cinemalaya entry ni GB Sampedro. Nagsusulat ng pang-nth na draft ng pangalawa kong pelikula, ang “Bodega”. Nagpi-PM ng short film ni Gavsi Mae na “Where I’m Likely to Find It” aka “I know where it’s at” for short. Andami palang nangyayari. Sana madagdagan pa. More kabusy-han at kahalamanan mode para masaya.

Kaharap ko ang isang matabang lalake. Maitim. Mukhang rocker. Mahaba ang buhok. Siyet. Angganda ng buhok niya. Straight, healthy at sumusunod sa galaw ng hangin. Sana, naging buhok na lang siya.

Katabi niya ang dalawang dalagitang napakaikli ng mga suot. Nakastripes ang isa. Nakaputi ang isa. Malalaki ang mga puson nila. Iniisip ko, sana nagpa-raspa na ang mga ito. Mukha kasi silang mga prosti. Makapal ang make-up, text ng text yung isa. Bumaba sila sa may Quezon City Hall. Tapos na siguro ang kanilang duty.

Sa likod ng passenger seat, may dalawang binatilyong mukhang Aeta. Mga taga-Balara yata. Tawanan sila ng tawanan. Baka galing sa concert ng isang emo band. Pero hindi sila nakaitim. Katabi ko, dalawang babae. Mga factory workers ata. Hindi ko na naaninag ang mga mukha nila. Hindi kasi nila inabot ang bente pesos na bayad ko. Hindi pa ako nasusuklian pala.

Mahapdi ang mga mata ko. Inantok yata ako sa isang litrong RC na ininom ko bago ako pumunta sa studio ni GB. Syet. Gustung-gusto ko na talagang magpagupit ng Beatles-look. Bangs kung bangs. Lampaso kung lampaso. Gusto ko yun. Habang straight pa ang buhok ko.

Biglang sumigaw ang isang ale. Nagulat ang lalakeng may magandang buhok. Mukhang cashier sa isang tindahan sa tondo ang ale. Siguro, makapal ang make-up niya nung umagang yun dahil ang nakita ko na lang sa kanya ay isang linya ng pulang blush on, siguro, lipstick niyang ipinahid sa kanyang mukha. Bitbit niya ang itim niyang bag at ang kanyang pulang panyo. Sumigaw siya, nagdadada. Hindi ko siya maintindihan.

“Ambaho! Putang ina, ambaho talaga!” sabi niya, galit na galit.

Inilabas niya ang kanyang cologne, inispray sa kanyang tenga at paulit-ulit niyang sinasabi “ambaho! ambaho!” Andami niyang sinabi. Sabay pa kami ng lalakeng may maganda ang buho na napakunot ang noo. Hindi ko na tiningnan ang ale, tinanaw ko na lang ang kadiliman ng UP.

Hindi na siya tumigil sa kadadakdak. Bumaba siya sa may Balara. Hindi pala taga-roon ang mga binatilyong mukhang mga Aeta.

“Sino ang dumura sa inyo?” tanong ng kunduktor sa dalawang binatilyo.

“Hindi kami”, sagot ng dalawa. Nahihiyang ngumiti.

“Akala mo kung sinong maganda!” sabi ng dalawang babaeng katabi ko na mukhang mga factory workers.

Malapit na akong bumaba. Bahala kayo diyan, sabi ko sa sarili ko. Mahapdi na ang mga mata ko. Naglalakad ang ale, pahid ng pahid sa kanyang tenga habang galit na galit sa papalayong jeep.

May isang misteryosong mamuo-muong dura pala ang nilipad ng hangin na sumapol sa kanyang mapulang pisngi.

Mas magaan pala ang dura kaysa sa buhok na straight.

Advertisements

Si Estellang Peklat

Paborito niya ang lugar na iyon. Hindi dahil sa magandang tanawing nakikita niya mula sa burol kundi dahil sa mga halamang makahiya na namumukadkad at nakangiti sa kanya kapag siya’y bumibisita doon. Alas-kwatro ng hapon araw-araw, inaakyat niya ang matarik na burol upang kantahan ang mga makahiya. Sila’y isa-isa niyang hinihimas ng kanyang hintuturo at sila’y napapayuko, tikom ang mga ngiti. At napapasaya siya ng mga ito.

May malaking peklat si Estella sa kanyang mukha, isang alaala ng kanyang kainosentehan noong sampung taon pa lang siya. Panandaliang nakatago ang araw sa ulap noon at binigyan ng pagkatataon ang ulan na maghari sa lupa. Naramdaman niya ang pag-iisa kahit ilang hakbang lang mula sa banyo kung nasaan siya, nagtatawanan ang kanyang pamilya habang nanonood ng sampalan sa isang telenobela. Naisipan niyang lagyan ng marka ang kanyang mukha sa pamamagitan ng paghiwa nito at pag-ukit ng kanyang paboritong letra sa alpabeto, ang M. Maganda, mapang-akit, mabango, mala-diyosa, maharot, malikhain, matamis, marikit. Lahat ng M na hindi niya taglay. Muntik mang maubos ang kanyang dugo, gandang-ganda siya sa sarili habang tinitingnan ito sa salamin.

Pagkalipas ng iilang taon hanggang ngayon na siya’y nagdalaga, kahit hindi man niya pinagsisihan ang M na bumabalot sa buo niyang mukha, hindi siya nakaligtas sa mga mapanlait na kutya at pag-iwas ng mga binatang kanyang nagugustuhan. Lihim siyang pinagtatawanan ng mga dalaginding sa eskwelahan at ginagawang panakot sa mga batang makukulit. Andyan na si Estellang Peklat, ipapakain kita sa kanya, sabi ng naiiritang nanay sa umiiyak na bata.

Napagtanto ni Estella na pangit nga siya. Hindi siya nagkaroon ng kaibigan, yumuyuko kapag napapadaan sa grupo ng mga dalaginding na naglalandi sa kanto. Kumakaripas siya ng takbo habang papalapit sa nag-iinumang mga lalake sa harap ng tindahan ng uling. Hindi siya lumilingon kapag tinatatawag ng mga binatilyong naglalaro ng basketbol sa harap ng kapilya. Ang kanyang maliit na kwarto at ang burol ang kanyang naging banal na espasyo at nahanap niya ang kaligayahan sa pag-iisa.

Nakahiga siya sa ibabaw ng mga nakatuping mga halamang makahiya isang hapon nang may isang gwapong lalake ang bumaba sa kanyang magara at pulang limousine na napadaan sa tuktok ng burol. Malayo pa lang ang lalake, amoy na ni Estella ang kakaibang halimuyak nito. Nang-aakit. Hindi siya mapakali.

Siguradong mababakla si Adonis kapag nakita niya ang lalakeng ito, sabi ni Estella sa sarili nang una niyang makita si Ivo. At bigla, isang hindi maipaliwanag na damdamin ang bumugso mula sa kanyang katawan, isang pakiramdam na alam niyang matagal nang nakahimlay sa kanyang kalooban at ito na nga ang oras ng pagpupukaw nito.

“Saan ang Starbucks dito?” tanong ni Ivo.

“Walang ganyan dito. Hindi kasi kami umiinom ng kape kapag hindi ito tae ng pusa”.

Nangisay si Ivo. Noon lamang siya nakarinig ng boses ng isang babaeng ang mga salitang kumakawala sa bibig nito ay tila liriko ng mga kantang inaawit ng mga ibon sa umaga. Ibang-iba sa mga babaeng fashionista na nakilala niya sa mga bars na pinaglalasingan niya. Sa mga puti, negra at latinang may accent sa kanyang mga paglalakbay. Sa mga artist sa museo, sa mga sirena sa karagatan at sa mga babaeng astronaut sa kalawakan. Nilapitan niya ang babaeng may peklat na labis na ikinakilig nito.

Hindi pala imposible na mangyari ang ganito, sabi ng mga kahoy na nakasaksi sa kakaibang liwanag sa mukha ng dalawang estranghero. Naramdaman nilang ito na ang simula ng isang pag-ibig na walang hanggan at hindi maikakailang iyon din ang naramdaman nina Estella at Ivo. Buong sarili ang ibinuka ni Estella at naghahanda siya para tanggapin ang lalakeng papalapit sa kanya. Si Ivo ay dahan-dahang naglalakad, sinasamsam ang bawat hakbang.

Bigla, tumigil ang mundo para sa kanilang dalawa. Nasa kalagitnaan ng paglipad sa himpapawid ang mga kuwago, napa-“haaaay” ang mga bumubukang makahiya, hinila ng hangin ang mga talahib upang sumayaw ng rumba. Lahat. Silang lahat napatigil sa kakaibang pagkikita ng babaeng may peklat at ang lalakeng kababaklaan ni Adonis.Bago pa makarating si Ivo sa nakahigang si Estella, walang babalang sumabog ang lupang tinapakan ng binatang walang kasinhalimuyak. Sumabog siyang walang pakundangan, nililipad ng hangin ang mga pira-pirasong bahagi ng kanyang katawan. Walang sinuman ang nag-akalang ito ang magiging kahihinatnan ng lalakeng magpapaligaya sana sa babaeng may peklat. Natigilan ang lahat. Napatulala si Estella.

Hindi pala para sa kanya ang pag-ibig na walang hanggan.

Battered love

Hindi ko maiwasang idikit ang tingin ko sa’yo habang nakaupo ka sa silyang kahoy na ilang dipa lang mula sa malamig na sahig kung saan ako nakahimlay. Hinahabol mo ang iyong hininga at hindi ko nakita ang lungkot na dapat ay nasa iyong mga mata nung araw na iyon.

Parang painting lang. Isang masining na painting na hindi kayang hagupitin ng brush, canvass at maitim na enamel. Iwinagayway ng nag-iisang linya ng ilaw mula sa araw ang malalalim na sugat sa iyong mukha at katawan dulot ng tadtad ng bolo na ginamit ko sa pagsaksak sa’yo. Mas gwapo ka pala kapag naghihingalo. Tinititigan mo lang ang nanghihina kong kamay na pilit abutin ang iyong putol na paa, tanda ng iyong pasasalamat sa kokonting masayang pagkakataon nung tayo pa.

Ikaw naman kasi. Sana hindi mo ako ginalit. Sana hindi ka nagselos. Siguro, hindi na tayo umabot sa ganito. Kahit anong habol ko sa aking nauupos na hininga, hindi ko maramdaman ang sakit ng iyong mga suntok at tadyak sa aking tiyan at mukha. Ngayon ko lang napansin na kinalbo mo pala ako kagabi habang nakatulog sa loob ng batya kung saan ramdam ko ang sarap ng maligamgam na tubig. Nakatingin ako sa’yo, walang paghihinayang. Ibinuhos ko ang lahat ng lakas ko para ibigay sa’yo ang ngiting nagustuhan mo sa akin nung una tayong magkita sa sementeryo. Naaalala mo pa ba ‘yun? Sana oo.

Hindi ko matandaan kung sinukliam mo ang munti kong ngiti. Ganito naman tayo lagi. Walang sali-salita. Walang hingian ng tawad. Pakiramdaman lang. Alam ko, ganito tayo magmahalan. At hindi tayo magpapahinga at mapapagod sa ganito.

Nabuhay ako!

Dahil isa akong multo ng nakaraan. Paikot-ikot, pagala-gala, nakatingin sa puting kisame ng maliit na kwartong mainit. Pinagpawisan dahil wala namang lumalabas na kahit na konting magpapagalaw ng kamay sa puting papel na nabuhusan ng RC cola. Hindi ako lumalabas.

“Pumayat ka”, sabi niya na nakangiting-aso.

“Recession kasi. Nauna ka nang kumain, matagal na akong hindi nakakain ng ganito”. May ebola virus kasi at laging lanta ang dahon ng gulay. Masangsang ang amoy ng isda. Mahal na rin ang bigas, ibinibiyahe pa kasi mula Vietnam at Thailand.

“Buti na lang malamig kapag gabi”.

“Hindi muna ako iinom ng beer, nalasing kasi ako nung Disyembre. Gumapang ako pauwi ng bahay”, sabi ko sabay order ng isang beer. Dumating ito na hindi malamig, naglagay ako ng limang dakot ng yelo na mabilis natunaw.

Nagtaka ako pero hindi ko na kinuwestiyon. Blangko ang aking mukha.

“Do I make sense?”

“Hindi”.