condolence kay christmas

Iniisip ko pa lang ang simoy ng Pasko, naaalala ko na ang exchange gips noong elementary at high school. Ayaw ko pa nun makatanggap ng panyo na stripes o di kaya ng photo album. Gusto ko, game and watch. O brick game. Pero lagi ako nakakatanggap ng panyo o photo album. O minsan, coin purse na yari sa banig.

Lagi-lagi, sa mga Christmas parties noon, nagdadala ako ng bukayo o sunog na tsokoleyt keyk na niluluto ni Mama. Kadalasan, lagi kong inuuwi ng buo ang mga yun kasi walang kumakain. Ang mga mas mayayaman kong mga kaklase ay nagdadala ng istapegi o hotdog na may marsmallows at laging benta ang mga yun sa mga batang hindi laging nakakatikim ng istapegi at hotdog na nasa istik. Nangunguna ako sa linya nun.

Sa dapat na minimum na sinkwenta pesos na regalo, nilalagay ni Mama ang isang balot ng maliit na pulang Chippy at limang piraso ng kendi sa kahon ng Lion Tiger katol. Ibinalot ito sa tig-pipisong pambalot na nabibili sa palengke. Ang malas nga naman ng mga kaklaseng nabubunot ko sa exchange gips. Taon-taon malamang, naaalala nila ang trauma na sinapit nila sa kamay ng kakuriputan ng nanay ko.

Sabi niya kasi ‘para hindi ka lugi, Anak’ kung sakali raw na ang makuha kong gip ay yung tsokolateng parang gold na piso. Pero paborito ko ang mga tsokolateng parang gold na piso.

Ni minsan, hindi ako naniwalang para lang sa mga bata ang Pasko. Hindi lang naman siya tungkol sa kendi, santa klaws, paputok, regalo o istapegi.

Limang taon na ang nakakaraan, sobrang hagulhol ko nang tumawag ako sa payphone sa bandang Anonas Street, alas dose ng hatinggabi, noche buena. Kumakanta si Tracy Chapman ng ‘O, Holy Night’ nun. Andaming paputok na nagpabingi sa akin na kahit konti lang ang mga taong dumadaan sa madilim na parte ng noo’y Glori’s, naramdaman ko ang saya ng Pasko kasama ang pamilya. Masaya sila sa Davao habang nangungulila ako sa amoy ng usok ng bagong paputok na judas’ belt at super lolo at thunder. Doon ko naisip na dahil walang perang pang-uwi, namatay ang Pasko ko.

Mas mabigat marahil ang dahilan ng kalungkutan dahil hindi ko naramdaman sa unang pagkakataon ang Paskong nakasanayan ko. Na kahit gaano kasimple ang handa namin sa noche buena noon, walang kapantay ang saya na kasama ang mga mahal sa buhay. At ng christmas party kasama ang mga kapitbahay (at mga kras), ala una ng gabi pagkatapos ng noche buena, habang sumasayaw at nagdidisco sa maalibok na daan sa harap ng bahay namin.

Ewan ko kung ako lang pero hindi ko na nararamdaman ang Pasko ngayon. Nobyembre na pero ang mga kantang pamasko na nagpapasigla sa akin nung bata pa ako ay naririnig ko na lang sa mga mall o sa mga tiangge at ukay-ukay. At ang katumbas na inis dahil kahit naririnig ko ang mga kantang ito, hindi na tagos sa puso ang ibig sabihin nila.

Habang nakikinig ako ng mga pamaskong kanta sa mga mall, napapaligiran ako ng mga bagay-bagay na gustung-gusto kong bilhin pero hindi ko mabibili. Nagpapalaway, nagsasabing ‘mas makahulugan ang Pasko kapag binili mo ako’. Ang totoo niyan, ang Pasko ngayon ay nagpapababa ng moral sa sarili.

Ngayon, mas nararamdaman ang Pasko kapag may bagong damit, ipod, laptop, sapatos, selepono, boypren. Walang Pasko kapag walang pera.

Higit pa dun, hindi ko na naaamoy ang simoy na dati nagpapaalala sa akin ng saya ng exchange gips at Christmas parties, ng mga panyo at photo albums. Wala na ring gaanong mga nagpapaputok ngayon. Mahal na kasi.

Hindi ko na rin naririnig ang paborito kong kanta na “my idea of a perfect Christmas.. is to spend it with you… in a party or dinner or two…” Tanging mga alala na lang ang nararamdaman ko kapag naririnig ko yun. Isang maliit na ngiti na lang na nagliliwanag sa mukha ko dahil kung tutuusin, ang kantang yun ang nagpaparamdam sa akin na may totoong Pasko pa dati.

Nawawala na siya. Para na lang siyang isang araw na selebrasyon gaya ng Araw ng mga Patay o Araw ng Kalayaan. Tsaka, marahil na rin siguro, wala na masyadong nagpapakontes at nagpapapromo ngayon sa telebisyon na noon, laging nagsisimula Septyembre pa lang, siniset na nila ang mood ng buong kapaskuhan.

Alam kong hindi macbook o bagong selepono ang magpupuno ng puwang ng okasyon. Hindi na nga lang siguro kasingsaya ang Pasko dahil iba na ang konsepto nito para sa karamihan ng mga tao ngayon. Pero sana, kahit man lang ang atmospera ng selebrasyon maibalik man lang, masaya na ako.

Hindi ko na rin maibabalik ang pagiging sipuning bata na laging nakakatanggap ng panyo at photo album, pero sana maramdaman ko pa rin ang saya ng Pasko kahit ngayon ay sipuning matanda na ako.

3 thoughts on “condolence kay christmas

  1. yayks — pareho tayo ng sentimyento. namiss ko yung simoy — yung tipong hindi na kailangan sabihin sa’yo na Pasko na dahil nararamdaman mo na talaga siya, at saka naalala mo yung mga countdown sa TV? yung mga days to go before Christmas — wala na ata masyado ngaun nun. hindi na rin kasingsarap dati yung mga bibingka at puto bumbong ngaun. kung tutuusin, parang weekend na lang ang Pasko — hihiga ka lang at magninilay. nung nakaraang Pasko hulaan mo anung ginawa ko? ayun, kausap ang mga Amerikano at tinatalakay ang katangahan nila sa paggamit ng gift card. “Thank you for calling American Express, Happy Holidays!!!” saklap.

  2. brandon! ako kinakarir ko lang ang pag-appreciate tuwing nakakarinig ako ng christmas carol sa mall. (rhyming)… at potek buti nga panyo natatanggap mo. ako one time niregaluhan ng siyam na cloud 9! kamusta naman yun!

  3. bols, i always look forward to going home to davao pag pasko kasi dun, mas nararamdaman ko ung simoy ng pasko. pero lately, di na rin masyado masaya ang pasko dun. bawal na ang mga paputok.

    bambam, buti di kita naging classmate kundi isang balot lang ng maliit na chippy ang matatangap mo. buwhahha.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s