sa isang mamahaling cafe

Nyeta. Naiwan na naman ako.  Sasabihin ko na naman sa sarili kong sanayan lang yan pero hindi pa rin pala ako nasasanay.  Sige na nga.  Walang pakundanan ang pagkampay ng mga bakas ng lungkot na naiwan ng mga ngiting dating nagpalunod sa akin.

Kung sino ka man sa totoong buhay, sana maging masaya ka sa kanya.  Hindi nababagay ang taliwas kong mga ilusyon sa pekeng langit na kinalalagyan mo.

Magpahinga ka na.  Bubuntung hininga na rin ako.  Tutal, yun lang naman ang magagawa ko sa ngayon.  Wala kang larawan sa paanan ng alaala ko.  Walang iniwan na amoy ang mga yakap mong hindi ko naramdaman.  Walang mantika ang pagod mong mukha na hindi ko nasilayan at hindi man lang nagkaroon ng pagkakataong dumampi sa pagod kong kanang kamay. Sige, maiwan na kita.

Nga pala, ilang beses mo na rin pala akong iniwan.  Kaya ano nga naman ang kaibahan ng mga bagay-bagay. Di na bale.

Tandaan mo na lang ang mga kanta at mga poema at mga angas.  Baka sakaling maiparamdam mo rin sa kanya ang mga iyon sa aking pagkawala.  Dahil, sigurado akong hindi niya kayang makinig sa’yo.  O makiluha sa mga pagdarahop mo.

Iba-iba lang ang pamamaraan ng ating paglalaro.  Iisipin mo mang ikaw ang nanatiling nakatayo, pinalakpakan sa iyong napakagaling na pagkukunwari at ako ang naligo sa kulungan ng mga pagbabakasali, hahalakhak na rin ako.  Tutal, yun na lang pala ang magagawa ko.

Andyan pa pala ang numero mo.  Nakatitig pa rin sa akin sa panahon kailangan ko ng kasiping sa imahenasyon.  Nagsusumigaw, pilit na umaalma, umaalpas sa kulungan ng imaheng nabuo sa hindi ko maarok na dahilan.

Apakan mo ng iyong kauna-unahang hakbang ang nakakandadong pagkakataon na nagdugtong sa ating bangag na pag-iisang kahangalan.

Gustuhin ko mang lapitan ka, andyan ang masaklap na katotohanang wala sa atin ang nakakakilala sa isa’t isa.  Dahil kahit saan ko man idako ang aking matalas na paningin at malamig na paghahangad, isa ka lang parte ng laro na kailangan nang matapos pagkalipas ng nakakapagod na maghapon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s